Mga Kuwento Ni Peanut: September 2010

Tuesday, September 21, 2010

Muling Natagpuan...

Buwan ang binilang bago ko naharap muli ang oras para makapagsulat. Napakaraming pangyayari ang naganap pero napakakonting bagay ang sumaksak sa utak ko.

Hindi madaling magtago ng saloobin...
At hindi rin madaling humanap ng pagtatapunan nito...
Kaya minsan, sa kagustuhan kong mailabas ang lahat ng kuwentong nais kong ipamahagi, pipiliin ko na lamang manahimik at ikulong ang sariling nalalaman sa lugar kung saan walang nakakakilala...kung saan walang puwedeng humusga...kung saan mas kaya kong maging ako...
Dito sa blog na ito...
Na kahit gaano katagal na hindi ko ito napamugaran ng mga letra...andito pa rin siya, naghihintay na muling mabuhay ang mga letrang matagal nang tumutusok sa aking dibdib na naghihirap sumagap ng hangin dahil sa higpit ng pagkakayakap ng aking bra....

Makalipas ang isang minutong pagtatanggal ng balakid sa aking dibdib upang makadiskarte ng maayos sa harapan ng aking tala-pindutan...
Biglang nawala nanaman ang aking nais sabihin, simbilis ng pagkawala ng alaalang nais ko sanang itago at kupkupin at maghintay ng tamang pagkakataon na kusa siyang tatakbo sa aking utak habang kausap ko ang aking malupit na taga-pangasiwa ng aking mga sikreto--ang blog na ito...

Malakas ang ulan sa labas...
Hindi malayong mabasa ang aking sinampay...
At ang mas napagtuunan ng aking pansin...
Ang mga taong naglalaro sa ilalim ng lumuluhang langit...

Unang napuna ko ay ang mga batang tuwang-tuwa sa paliligo sa agusan ng alulod ng bubong ng aming kapit-bahay na tila ginagawa nila itong shower. Nakakatuwang panoorin lalo na't alam kong naghalong dumi, alikabok, ihi ng pusa, tae ng pusa, katas ng kalawang at kung anu-ano pang bagay na maaaring makasama sa kanilang balat o kalusugan ang dumadaloy sa bubong na iyon patungo sa kanilang katawan...

At napansin ko rin ang mga kalalakihan na nakaistambay sa di kalayuan na may hawak na sigarilyo ang mga nagsisipagligo rin sa ulan na kanina pa patuloy na lumalakas...

hindi ko alintana ang ngayo'y sobrang basa nang mga sinampay ko...

Palagi kong nababanggit dito sa aking blog...
Lahat ng nais kong sabihin--marumi man o malinis sa panlasa ng iba...hindi ko poproblemahin iyon dahil sigurado akong makakatulog ako ng maayos may kumontra man sa aking naisulat.

Sa pagkakatitig ko sa mga kalalakihang nakaistambay...
Para bang may magnet sa kanilang basketball shorts na tila nanghahalina sa aking mga mata...
At hinayaan ko lang mamasyal ang mga mata ko sa aking kapitbahay na naliligo sa ulan..
Hindi masamang mapalunok...
Hindi rin masamang tumitig pa ng kahit sandali pa...
libre ang tumingin...

Hindi ko gusto ang lalakeng pinaglalaruan ng aking mata...
Hindi dahil sa panget siya...
Kundi kilala ko na siya mula ng ako'y bata pa..
Sa katotohanan, may itsura siya...Panalo kumbaga...walang itatapon...di tulad ng mga hipon.

At nang ako'y halos maluha-luha na sa pagkakatitig dahil sa hindi na kumurap ang akin mata,
Nagsawa rin ako sa kaniyang bukol na nagsusumigaw sa loob ng kaniyang basketball shorts.

Hahaysss...
Isa na namang kuwentong nangyari lamang sa loob ngkinse-minutos...
Isang kuwentong hindi malaman kung anong nais ipahiwatig...
Isang kuwentong galing sa akin....

Template by:
Free Blog Templates