Mga Kuwento Ni Peanut: April 2010

Friday, April 16, 2010

Liar!

Mas madaling magsinungaling kaysa magsabi ng totoo -- yan ang opinion ko.
Hindi ko sinasabing magaling ako sa sining ng pagsisinungaling pero madalas nakakalusot din. Ang dami-daming bagay kung bakit ang isang tao ay kinakailangang magsinungaling...minsan for emergency puroses, minsan para makapang-impress, minsan, para panatilihin lang ang magandang imahe ng sarili, minsan, para maka-convince, minsan, para makapanlinlang ng kapwa, minsan, ganun na talaga sya pinanganak--mistulang sinungaling. Ang daming rason kung bakit nagsisinungaling ang isang tao pero kahit anong rason pa yan..hindi tama.
Lahat ng tao nagsisinungaling. Kahit yang pari sa kapilya nyo pustahan tyo, nagsisinungaling yan. Lahat tayo lumalabag. Lahat tayo araw-araw nagsisinungaling minsan lang siguro hindi mo napapansin dahil sa sobrang babaw lang naman ng kasinungalingan. Kahit nga sa simpleng katanungan na "Okey ka lang, para kasing masama loob mo eh", sasagutin mo ng "Oo naman, wala namang dahilan para mag-inarte", kahit na sa loob-loob mo, gustong-gusto mo na syang sampalin dahil sa utang nyang hanggang ngayon ay hindi pa bayad at kailangan mo na ng pera.
Ang dami-daming paraan ng pagsisinungaling at madami ring paraan para mahuli mo ito. May mga tao kasing kaya nyang tignan ka ng diresto ng hindi manlang kumukurap kahit bugahan mo ng usok ang mata nya makapagsinungaling lang. May mga tao namang sa umpisa lang marunong magsinungaling at kapag tinanong mo ng tinanong...bumibigay din. Pero ang mahirap don, pag hindi mo gaano kilala ang isang tao, mahirap basahin kung sya ba ay nagsasabi ng totoo.
Totoong mahirap magpakatotoo.. lalo na sa mga taong alam mong hindi ka tanggap pag nalaman nila ang mga bagay o baho na pinakatatago mo. Kahit sa matalik mong kaibigan, madami ka ring bagay na hindi kayang sabihin o meron ka ring mga sinasabing hindi totoo.
Ako mismo, kaya pinili kong hindi ihayag sa mundo ng blog ang pangalan ko at ipamahagi ang link nito sa mga kaibigan ko ay dahil mas gusto kong maging malaya sa lahat ng nais kong sabihin. Gumagamit ako ng totoong pangalan ng aking mga kaibigan sa aking mga kuwento pero tunay na pangalan ko ang hinding-hindi ko kayang sabihin. Hindi dahil sa ikinakahiya ko ang sarili ko, kundi mas maganda na maging totoo ang laman ng blog ko, ang totoong laman ng utak ko. Mas pinili kong maglabas ng tunay na kalandian, libog, mga kalokohan kaysa ikalat ang pangalan ko at gawing wholesome ang blog ko---hindi na ako yon.


Lie at your own risk. Sa totoo lang, wala namang pumipigil sa kahit kanino na huwag magsinungaling. Kung sa tingin ng isang taong pinili magsinungaling ay makakabuti sa kaniya yon, eh di magsinungaling sya. At kahit na maraming taong tatamaan at masasagasaan dahil lang sa pinili ng isang taong magsinungaling, sige na lang din, kapalit lang naman non ay ang tiwqala ng bawat taong ginawan mo ng pagkakamali at sa mga taong makakachikahan ng taong niloko mo.


**Sa tagal kong nawala at hindi nakapag sulat, ito lng ang kinaya ng utak kong puno ng kamalisyosohan.

Sunday, April 4, 2010

Pain, Pain, Go Away!

Gusto ko munang magpala-emotional ngayong araw na ito. Hindi naman dahil sa bagsak ang aking sex life kundi meron lang akong pinagdadaanan ngayon na kahit ako ay hindi makapag isip ng diretso. 
Noong nakaraang Miyerkules, nais ko na sanang tapusin kong ano ang meron kaming dalawa. Hindi mabigat at hindi rin masasabing mababaw na dahilan. Kahit ako hindi ko kayang ipaliwanag kung bakit at ano ang aking makatarungang dahilan para tapusin ang lahat. 
Kahit papaano naman, hindi puro kalandian at libog ang laman ng dibdib ko. Inaamin kong mahilig akong umiwas sa usapang masyadong mabigat at emosyonal pero hindi ko akalain na pati ako susuko.
Ang pinaka mahirap at pinaka "risky" sa isang relasyon ay ang umasa kahit na alam mong suntok sa buwan ang ibang nais mong mangyari, natututo kang sumugal dahil nga--umaasa ka.
Ang sabi ng iba huwag kang masyadong umasa kasi baka ikaw rin ang magsisi at maiwang talunan...pero ganon pala yon, hindi mo rin pala kakayaning pigilan ang sarili mo na umasa lalo na sa taong gustong mong paglaanan ng buhay mo.
Sa napaka-ikling panahon at oras, nakuha niya ang loob ko..at hindi ko pinagsisihan yon dahil halos lunurin ako ng pagmamahal niya. At sa ginawa niyang yon, naging parte siya ng pag-ikot ng mundo ko..at umikot ang mundo ko sa kaniya..
Mali nga ba? 
Paano nga ba naging mali ang umasa? Sa pagkakaalam ko..mahirap pigilin ito, mahirap turuan, at lalong mahirap tapusin.
Noong araw na yon, parang ang daming unan ang nakatakip sa mukha ko sa sobrang hirap huminga at sa sobrang bigat ng dinadala ng dibdib ko habang naririnig ko ang kaniyang pagsinghot, pag-iyak at pakiusap...
Tinanong ko siya...
Bakit ba sobrang bait mo sa akin? Bakit ganito mo ako ka-mahal? Bakit parang magiging kawalan ko pa? 
Sa sobrang sinanay ko ang sarili ko na araw-araw ay alam kong nandyan lang sya para sa akin, paano bukas kung alam kong wala na siya?
Alam kong nasasaktan ko siya sa bawat salitang nasasabi ko sa mga oras na yon..at hanggang ngayon ay pinagsisisihan ko na nasabi ko sa kaniya yon.
Marami kaming napag-usapan, ilang libong luha ang pinuhunan ko sa araw lang na yon at alam kong sya rin....


Natapos ang maghapon at nilunok ko rin ang mga nasabi ko...hindi ko pala talaga kaya.
Bakit hindi pa rin ako mapakali...
Meron ba akong hinahanap pa sa kaniya?
Inihanda ko ang sarili ko na pagkatapos ng usapang yon, alam kong hindi na magiging tulad ng dati--nasaktan ko na siya.
At tama nga ako, nangyari ang kinakatakutan ko, ang panlalamig nya.
Hindi ko alam kung bakit parang wala naman talagang nagbago sa kaniya pero nakakaramdam ako ng panlalamig galing sa kaniya.
Dahil nga sa akin. Dahil ipinakita ko sa kaniya kung gaano ko siya kabilis sukuan..at pinagsisisihan ko lahat ng nagawa at nasabi ko sa kaniya.
Kahit na alam kong maayos na kami ngayon, may bigat pa rin..dahil alam kong may lamat na ang aming relasyon.
Hindi ko man masabi ng diretsuhan sa kaniya, pinagsisisihan ko ang mga nasabi ko.
Kaya mabigat sa dibdib ko ang nangyari at nangyayari-- dahil kahit gaano ko pa sya kamahal, kayang-kaya ko palang syang saktan.

At dahil sa pagmamahal na yan, handa akong muling magsakripisyo, at handa muli akong umasa..


Template by:
Free Blog Templates